Saturday, July 21, 2018

Mag-aaral ng K to 12: Handa sa Pagharap sa Hamon ng Buhay



"Ang araw na ito ay sadyang espesyal.  Makaraan ang labingwalong taon, narito muli ako sa paaralang nagmulat sa akin ng kahalagahan ng edukasyon, disiplina sa sarili at sa bayan, respeto sa sarili at sa kapwa, ang paaralang nagbigay ng oportunidad sa ordinaryong mag aaral, na lumalakad ng dalawang kilometro kada araw, suot ay gusot gusot na damit at paldang minana mula sa kamag-anakan. Mga ala-alang dala ng labingwalong taon simula nang ako ay nagtapos.

Narito po ako humaharap sa inyo, dala ang pagpupugay, bilang isang alumni ng paaralang elementarya ng San Jose Patag. Mga guro, mahal na prinsipal, mga kagalang galang na panauhin, mga mag-aaral na nagsipagtapos at minamahal nating mga magulang at tumatayong magulang, isang mapagpalang umaga po sa ating lahat.

Sa mga minamahal nating magulang at taga gabay, batid po natin ang ginhawa, sa wakas, na tayo’y makapagpatapos makalipas ang 6 na  mahabang taon sa elementarya. Sa pag gabay sa araw araw mula pag gising nila sa umaga, pagpasok sa paaralan, pamromroblema sa pambaon sa eskwela, pantustos sa pang araw araw nilang pangangailangan, hanggang sila’y makatuntong sa stage na ito at humawak ng diploma, ako bilang bahagi ng lipunang ito na naghahangad ng mas maganda, mas matalino at matuwid na kinabukasan maraming maraming salamat po.

Sa mga guro, na tumatayong ating ikalawang magulang, mga nagsipagtapos, aminin natin, sila minsan ay kontrabida sa araw araw nating buhay sa eskwela, madaming assignment, projects, exams, deadlines. Lilipas ang bawat araw, buwan, taon, magkakaroon tayo ng mga bagong guro na patuloy na gagabay sa atin, mga bagong kakilala, bagong kaibigan, magtuturo ng dapat nating matutunan sa paaralan, at sa buhay.  Ngunit magkaganun pa man, mamimiss natin sila, namiss ko sila.

Nais kong ibahagi ang karanasan ko na minsan ako’y may isang guro na naniwala sa kakayahan ko. Pagkat ako’y mahirap lamang at walang bilib sa sarili, inisip ko, kaya ko ba?  Ngunit dahil sa kanya, kinaya ko, nabuo ang kumpyansa sa sarili ko. Minsan, ang kailangan lang natin ay isang taong maniniwala sa kakayahan natin, at ayoko syang biguin. Sa gurong ito, maraming Salamat po sa tiwala, maraming salamat po sa inyo.

Sa mga nagsipagtapos, nasa kalahati na po tayo ng K to 12. Anim na taon. Anim na taon na lamang ang ating sasanayin upang mas maging handa sa hamon ng buhay. Mga kasanayang dapat nating paghandaan pagtuntong ng grade 10. Ang isa sa may akda ng programang “K to 12” na si Senator Joel Villanueva ay naniniwalang “Dahil sa globalisasyon, kailangang kailangan nating baguhin ang istruktura ng edukasyon at training sa ating bansa upang maging globally competitive ang mga kabataang Pilipino”. Nais din niyang ipabatid, na sa inyo, mga bagong graduates ng taong 2018, sa inyong mga kamay, sa inyong determinasyon at patuloy na pagpapaunlad ng sarili ang inyong tagumpay. Huwag sana nating biguin ang mga taong umaasa at naniniwala sa atin. Ang sabi nga, “hindi natin kasalanan na tayo’y ipinanganak na mahirap, ngunit nasa ating mga kamay kung tayo’y mamamatay na mahirap”.

Sa lahat po ng naririto, batid po nating hindi dito nagtatapos at ito’y panimula lamang. Ating gabayan ang mga kabataan natin upang sila’y huwag maligaw ng landas at patuloy tayong magbigay ng inspirasyon pagkat ang kailangan nila’y gabay, at paniwalang kakayanin nila ang hamon ng buhay.
Sa mga nagsipagtapos, nais naming patunayan ninyo na ang : Mag-aaral ng K to 12: Handa sa Pagharap sa Hamon ng Buhay.

Sa inyo pong lahat, mabuhay at maraming Salamat."

No comments:

Post a Comment