"Ang araw na ito ay sadyang espesyal.
Makaraan ang labingwalong taon, narito
muli ako sa paaralang nagmulat sa akin ng kahalagahan ng edukasyon, disiplina
sa sarili at sa bayan, respeto sa sarili at sa kapwa, ang paaralang nagbigay ng
oportunidad sa ordinaryong mag aaral, na lumalakad ng dalawang kilometro kada
araw, suot ay gusot gusot na damit at paldang minana mula sa kamag-anakan. Mga
ala-alang dala ng labingwalong taon simula nang ako ay nagtapos.
Narito po ako humaharap sa inyo,
dala ang pagpupugay, bilang isang alumni ng paaralang elementarya ng San Jose
Patag. Mga guro, mahal na prinsipal, mga kagalang galang na panauhin, mga
mag-aaral na nagsipagtapos at minamahal nating mga magulang at tumatayong
magulang, isang mapagpalang umaga po sa ating lahat.
Sa mga minamahal nating magulang at
taga gabay, batid po natin ang ginhawa, sa wakas, na tayo’y makapagpatapos
makalipas ang 6 na mahabang taon sa
elementarya. Sa pag gabay sa araw araw mula pag gising nila sa umaga, pagpasok
sa paaralan, pamromroblema sa pambaon sa eskwela, pantustos sa pang araw araw
nilang pangangailangan, hanggang sila’y makatuntong sa stage na ito at humawak
ng diploma, ako bilang bahagi ng lipunang ito na naghahangad ng mas maganda,
mas matalino at matuwid na kinabukasan maraming maraming salamat po.
Sa mga guro, na tumatayong ating
ikalawang magulang, mga nagsipagtapos, aminin natin, sila minsan ay kontrabida
sa araw araw nating buhay sa eskwela, madaming assignment, projects, exams,
deadlines. Lilipas ang bawat araw, buwan, taon, magkakaroon tayo ng mga bagong
guro na patuloy na gagabay sa atin, mga bagong kakilala, bagong kaibigan,
magtuturo ng dapat nating matutunan sa paaralan, at sa buhay. Ngunit magkaganun pa man, mamimiss natin sila,
namiss ko sila.
Nais kong ibahagi ang karanasan ko
na minsan ako’y may isang guro na naniwala sa kakayahan ko. Pagkat ako’y
mahirap lamang at walang bilib sa sarili, inisip ko, kaya ko ba? Ngunit dahil sa kanya, kinaya ko, nabuo ang kumpyansa
sa sarili ko. Minsan, ang kailangan lang natin ay isang taong maniniwala sa
kakayahan natin, at ayoko syang biguin. Sa gurong ito, maraming Salamat po sa
tiwala, maraming salamat po sa inyo.
Sa mga nagsipagtapos, nasa kalahati
na po tayo ng K to 12. Anim na taon. Anim na taon na lamang ang ating sasanayin
upang mas maging handa sa hamon ng buhay. Mga kasanayang dapat nating
paghandaan pagtuntong ng grade 10. Ang isa sa may akda ng programang “K to 12”
na si Senator Joel Villanueva ay naniniwalang “Dahil sa globalisasyon,
kailangang kailangan nating baguhin ang istruktura ng edukasyon at training sa
ating bansa upang maging globally competitive ang mga kabataang Pilipino”. Nais
din niyang ipabatid, na sa inyo, mga bagong graduates ng taong 2018, sa inyong
mga kamay, sa inyong determinasyon at patuloy na pagpapaunlad ng sarili ang
inyong tagumpay. Huwag sana nating biguin ang mga taong umaasa at naniniwala sa
atin. Ang sabi nga, “hindi natin kasalanan na tayo’y ipinanganak na mahirap,
ngunit nasa ating mga kamay kung tayo’y mamamatay na mahirap”.
Sa lahat po ng naririto, batid po
nating hindi dito nagtatapos at ito’y panimula lamang. Ating gabayan ang mga
kabataan natin upang sila’y huwag maligaw ng landas at patuloy tayong magbigay
ng inspirasyon pagkat ang kailangan nila’y gabay, at paniwalang kakayanin nila
ang hamon ng buhay.
Sa mga nagsipagtapos, nais naming
patunayan ninyo na ang : Mag-aaral
ng K to 12: Handa sa Pagharap sa Hamon ng Buhay.
Sa inyo pong lahat, mabuhay at
maraming Salamat."